Tuesday, October 11, 2011

The Works of Rene Batallones


Ang lahat ng papupuri at pagluluwalhati ay tangi lamang kay Allah (SWT), hinihingi ko ang gabay at pagpapala at ang Kanyang kapatawaran, ako ay nagpapakupkop sa Kanya mula sa kahinaan ng aking kaluluwa at mula sa mga gawang pagkakamali, Ang sinumang ginabayan ni Allah (SWT) ay walang makapagliligaw at ang sinumang napaligaw ay walang sinuman ang makapaggagabay.

Ako ay sumasaksi na walang dapat sambahin liban sa Kanya at ako ay sumasaksi na si Muhammad (SAS) ang huling sugo, nawa ang pagpapala ng Nag-iisang Diyos – si Allah (SWT) ay mapasakanya sampu ng kanyang mga pamilya, mga sahaba, tabiyeen at sa lahat ng mga taong pumupuri at lumuluwalhati sa kadakilaan ng Nag-iisang Tagapaglikha.

Sino sa atin ang madaling umayaw sa labanan?
Sino sa atin ang madaling magsawa sa mga bagay na kanyang natagpuan?

Alam po ba natin ang kasabihang Ningas Kugon? Yung maigi lamang sa umpisa at pagkatapos sawa na, umayaw na.

Sa aklat na ito ay ating tatalakayin ang katangian ng mga taong madaling magsawa, umaayaw, tumatanggi, kahit ang pagmamahal na ibinibigay niya sa kanyang minahal ay dagling nawawala, nagsasawa, inaayawan, o umaayaw.

Ang tao, kahit pa sila ay nakatagpo nang napakalaking masasandigan, at nabatid nila na ito ang  dulugan ng lahat ay kanilang itinakwil at hinayaang mawaglit sa kanilang puso at damdamin. Sila ang mga tao na dapat sabihan ng "Ang Umaayaw ay hindi nagwawagi at ang Nagwawagi ay hindi Umaayaw".

Ito ang paksa na ating tatalakayin sa aklat na inyong natutunghayan sa oras na ito.

Ating tunghayan mga kapatid ko sa Islam ang ginawang pag-tanggi ng mga pamayanang pinarusahan ni Allah (SWT) at sa kabilang panig naman ang hindi pag-ayaw ng mag kapatid hinggil sa kanilang pagmamahal ng dahil lamang kay Allah (SWT).

Kapag iyong tinanggihan ang ibinibigay ni Allah (SWT) sino ang talunan? Ikaw! Ikaw ang manghihinayang, hindi si Allah (SWT).

Ganoon din, inihahatag na ni Allah (SWT) sa mga walang pananampalataya ang maniwala sa Kanya subalit tinanggihan nila ito. Nagmamalaki sila sa natagpuan nilang diyos na sinasamba. Kagaya ng mga pangyayari noong unang panahon nang magpadala si Allah (SWT) ng mga babala hinggil sa mga taong sumasamba sa mga nilikha ng Diyos at inanyuang bagay na nililok ng tao.

Sa panahon ni Propeta Noah (AS) nagmahal sila ng ibang diyos higit pa kay Allah (SWT) kung kaya ginunaw ang kanyang pamayanan.

Sinabi ni Propeta Noah (AS): “Wa yaa qawmi laaa ‘as’alukum ‘alayhi maalan ‘in ‘ajriya ‘illaa’alal-laah; wa maaa ‘ana bitaridil-lazeena ‘amaanoo; ‘innahum mulaaqoo Rabbihim wa laakinnee ‘araakum qawman tajhaloon”."O aking pamayanan hindi ako nanghihingi sa inyo ng gantimpala hinggil dito, ang aking pabuya ay wala ng iba maliban lamang mula kay Allah. Hindi ko itataboy ang mga sumasampalataya. Katotohanang makakatipan nila ang kanilang Panginoon, subalit aking napagmamalas na kayo ay mga hangal na tao". (Hud: 11: 29) At sinabi nila kay Propeta Noah (AS): “Qaloo yaa Noohu qad jaataldanaa fa’aksarta jidaalanaa fa’tinaa bimaa ta’idunaaa ‘in kunta minas-saadiqeen”. "O Noah! Ikaw ay nakipagtalo sa amin at labis mong pinahaba ang pakikipagtalo mo sa amin, ngayon na dalhin mo sa amin ang iyong ipinananakot, kung ikaw ay nagsasabi ng katotohanan". (Hud 11:32) At sinabi ni Allah (SWT): “Fasawfa ta’lamoona man ya’teehi ‘azaabun yukhzeehi wa yahilu ‘alayhi ‘azaabum-muqeen”. At mapag-aalaman ninyo kung sino ang makakatanggap ng parusa na tatakip sa kanya sa kahihiyan, at kung sino ang magkakamit ng walang hanggang sakit." (Hud 11:39)

At ng magunaw na ang pamayanan ni Noah (AS) dahil sa kataksilan, nakita nito ang kagimbal-gimbal na sinapit ng mga nagtakwil at umayaw kay Allah (SWT) kabilang dito ang kanyang anak na lalaki

Winika ni Noah (AS) sa kanyang anak na lalaki: “Yaa bunayyar-kam-ma’anaa wa laa takum-ma’al-kaafireen.” O aking anak! Sumakay ka sa amin at huwag kang mapabilang sa mga hindi sumasampalataya". At ang kanyang anak na lalaki ay tumugon: “Qalaa sa’aaweee ‘laa jabalin ya’simunee minal-maaa“. "Aakyat ako sa bundok, ito ang magliligtas sa akin sa tubig" si Noah ay nagsabi: “qaala laa ‘aasimal yawma min’amril-laahi ’illaa mar-rahim.“ "Sa araw na ito ay walang makapagliligtas sa Pag-uutos ni Allah maliban sa kanya na ginawaran Niya ng Kanyang Habag. At ang malaking alon ay dumaan sa kanila at ang kanyang anak ay napasama sa mga nalunod" (Hud 11:42-43)

Nanikluhod si Propeta Noah (AS) kay Allah (SWT) at kanyang sinabi: “Rabbahoo faqalaa Rabbi ‘innab-nee min’ahlee”. "O aking Panginoon! Katotohanan, ang aking anak na lalaki ay kabilang sa aking pamilya! At tinugon siya ni Allah (SWT): “Qalaa ya Noohu innahoo laysa min’ahlika ‘innahoo ‘amalun ghayru saalihin falaa tas’alni maa laysa laka bihee ‘ilmun’innee’a’izuka ‘an takoona minal-jaahileen”. "O Noah! Katotohanan siya ay hindi kabilang sa iyong pamilya! Katotohanan ang kanyang mga gawa ay hindi katampatan kaya't huwag kang magsumamo sa Akin sa mga bagay na wala kang Kaalaman! Ikaw ay Aking pinaalalahanan, baka ikaw ay maging isa sa mga hangal". (Hud 11:45-46) at hiningi niya ang kapatawaran ni Allah (SWT).

Inayawan nila ang Propeta ni Allah (AS)…inayawan nila si Allah (SWT)…kung kaya sila ang talunan at hindi sila nagwagi sa kapangyarihan ni Allah (SWT). Kaya ang umaayaw ay hindi nagwawagi.

At sa mga A'ad ay isinugo si Propeta Hud (AS) dahil sa pagmamahal ni Allah (SWT) sa mga tao ay nagawang magtaksil parin at umayaw sa nais ipasunod ng kanyang Propetang si Hud (AS) at ang kanyang Sugo ay nagwika: "O aking pamayanan! Sambahin ninyo si Allah.

At ano ang sinabi ng mga taong ito sa Propeta ni Allah (AS):  “In naqoolu ‘illa –‘taraaka ba’du ‘aalihatinaa bisoo”. "Ang ilan sa aming mga diyos ay sumakmal sa iyo sa kasamaan" (Hud 11: 54)

Kaya ang umayaw na hindi mahalin ang Propeta ni Allah (AS) ay hindi nagwagi sa bandang huli sapagkat, "Sila ay tinugis ng sumpa sa mundong ito at (poot ni Allah) sa Araw ng muling pagkabuhay. Walang alinlangan! Katotohanan ang tribu ng A'ad ay hindi nanampalataya sa kanilang Panginoon. Kaya't palisin ang lahi ni A'ad, ang tauhan ni Hud". (Hud 11:60)

Sa mga pamayanan ni Thamud sa panahon naman ni Propeta Saleh (AS) ng siya ay manawagan sa landas ni Allah (SWT) doon sa mga taong ang minamahal ay ang kanilang pansariling kagustuhang sambahin ang mga diyus-diyosan…suwayin ang panawagan niya na sambahin si Allah (SWT).

At siya ay nagsabi: “yaa qawmi’-budul-laaha, O aking pamayanan! Sambahin ninyo si Allah, wala na kayong ibang Illah (Diyos) maliban sa Kanya’, ‘maa lakum min’ilaahin ghayruhoo’. ‘Kanyang ginawa kayo mula sa lupa at dito ay Kanyang itinira kayo, kaya't humingi kayo ng Kanyang patawad at bumaling kayo sa Kanya ng pagsisisi. ’Huwa ‘ansha ‘akum minal ‘ardi wasta ‘marakum feeha fastaghfiroohu summa tooboo ‘ilayh’. Katotohanan ang aking Panginoon ay Laging Malapit (sa lahat, sa pamamagitan ng Kanyang kaalaman) ang Maaasahan (Tagatanggap ng Kahilingan) ‘inna Rabbee Qareem-Mujeeb”. (Hud 11:61)

Hindi nila minahal ang Babaing Kamelyo na ibinigay ni Allah (SWT) bilang tanda para sa kanila, hindi nila hinayaang manginain sa lupain ni Allah, at huwag itong hipuin o pagtangkaan ng masama ni sasaktan, subalit hindi nila sinunod ang Propeta ni Allah (SWT), bagkos, ang babaing kamelyo ay kanilang pinatay. Binigyang babala sila ni Propeta Salih (AS) at inutusang magpakasaya ng tatlong araw sa kanilang mga tahanan at nagbanta siya at sinabing ito ay hindi mapapasinungalingan at ito ay magaganap. Iniligtas ni Allah si Propeta Salih (AS) at ang mga taong nananalig sa kanyang dalang kautusan.

Pakinggan ang paglalahad kung ano ang nangyari sa pamayanan ni Propeta Salih (AS):

"At ang nakasisindak na Tili (Hiyaw at pagsabog mula sa kalangitan) ay sumakmal sa mga buktot, kaya't sila ay nakahandusay na patay, na nakalugmok sa kanilang mga tahanan, Na wari bang sila ay hindi nanirahan doon. Katotohanang ang lahi ni Thamud ay hindi nanampalataya sa kanilang Panginoon. Kaya't palisin ang (lahing Thamud)" (Hud 11: 68)

Sino ang talunan? Sila na ang ginusto ay ang kanilang pansariling kagustuhan. Iniyawan nila ang ibinigay ni Allah (SWT)…kaya kung ikaw ay umayaw hindi ka magwawagi. At ang As-Sayha ni Allah ay sumakanila…ang matinding kaparusahan.

At sino sa atin ang nakalimot sa pamayanan ni Propeta Lut (AS)? Sila na tumalikod, tumanggi, umayaw sa mga kautusang kanyang ipinangaral sa kanyang pamayanan na iwasan at ipagbawal ang pakikipagtalik sa kapuwa nila lalaki, subalit tinanggihan nila ito, kaya't ang pagsabog ng lupa mula sa mga kabundukan ang sa kanila ay dumatal at ang matinding kaparusahan. At umulan ng mga hinurnong putik na bato na nakakalat nang patong-patong.

"Sila (Ang mga Anghel) ay nagwika: "O Lut! Katotohanang kami ay mga sugo mula sa iyong Panginoon! Ikaw ay hindi nila maaabutan (matutugis). Kaya't maglakbay ka na kasama ng iyong pamilya sa ilang bahagi ng gabi, at huwag bayaan ang sinuman sa inyo na lumingon sa likuran, maliban lamang sa iyong asawa (sapagkat siya ay maiiwan), katotohanan, ang kaparusahan na igagawad sa kanila ay matitikman niya. Katiyakan, ang umaga ang kanilang takdang oras. Hindi baga ang umaga ay malapit na. Kayat ng ang Aming Pag-uutos (kaparusahan) ay sumapit, ay ginawa Namin ang pinakamataas na bahagi (ng mga bayan ng Sodom sa Palestine) na pinakamababa (winasak at pinatag), at pinaulan Namin sa kanila ang mga hinurnong putik na bato (na nakakalat) nang patung-patong". (Hud 11:1-82)

Ito ay isa lamang pagpapatunay na ang mga umaayaw sa katotohanang dala ng mga Sugo at Propeta (AS) ay hindi nagwawagi sa kalaunan sila ang mga talunan.

At sa pamayanan ng Mydian ay isinugo sa kanila ang kanilang kapatid na si Shuayb (AS) siya ay nagbadya: "O aking pamayanan! Sambahin si Allah, wala na kayong ibang Illah maliban sa Kanya, at huwag magbigay ng kapos na sukat o timbang, kayo ay aking nakikita sa pananagana. At katotohanan, aking pinangangambahan para sa inyo ang kaparusahan ng Araw na sumasakop". (Hud 11: 84)

Sila ay nagsabi: "O Shuayb! Ang iyo bang mga pagdarasal ay nag-uutos na aming talikdan ang sinasamba ng aming mga ninuno o kaya ay talikuran ang nais naming gawin sa aming ari-arian. Katotohanang ikaw ay matiisin at may tamang pag-iisip" (Hud 11:87) Subalit mga kapatid, ito’y sinasabi lamang nila ng may panunuya.
 "O Shuayb! Hindi namin maunawaan ang karamihan sa iyong sinasabi at nakikita namin na ikaw ay mahinang tao sa amin (na siya ay isang bulag). Kung hindi lamang sa iyong pamilya, katiyakang ikaw ay binato na namin! Sapagkat para sa amin, ikaw ay hindi kagalang-galang". (Hud 11:91)

At pinarusahan ni Allah (SWT) ang mga tao ni Propeta Shuayb (AS) ng kagimbal-gimbal na kaparusahan, kung papaano inihatag ang kaparusahan sa angkan ni Thamud, ganito rin Niya pinalasap ang matinding parusa sa mga tao ni Shuayb.

Natatandaan po ba natin ang makasaysayang pagtawid sa Dagat na Pula ng mga angkan ni Propeta Moises (AS) mula sa pagpapalaya ni Paraon? Si Paraon at ang kanyang mga kawal ay tinugis ng isang malaking sumpa mula kay Allah (SWT). Siya ay mangunguna na bitbit ang bandila na kung saan ang kanyang mga tao sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay kanyang pangungunahan at aakayin sila sa Apoy, at katiyakang kasamaan ang lugar na kanilang patutunguhan.

Ito ang mga kasaysayan ng mga bayan na umayaw at hindi nagwagi sa paningin ni Allah (SWT). Ang iba ay nakatindig pa magpahanggang sa ngayon at ang kanilang mga bakas o ang mga guho ay mababakas at inyo pang napagmamalas at ang iba ay gapas na parang mga tumumbang dayami ng palay.

 Ganito ang pagdaklot ng inyong Panginoon, ng Kanyang sakmalin (ang pamayan) ang mga bayan habang sila ay gumagawa ng kamalian at umaayaw sa mga ipinag-utos Nito. Katotohanan ang kanyang pagsaklot ay masakit at masidhi.

Kaya ang sinumang umayaw ay parurusahan ni Allah (SWT) nasa takdang kamatayan ng kanilang katawan at sila ay masasawi at mapapasa Apoy ng Impiyerno. Sila ay magdaranas ng maraming buntong hininga at panaghoy. Ito yong paghinga na palabas at paghinga na papasok. Ang kanilang buntong hininga at paghagulgol na wari ba ay katulad ng pag-iingay o atungal ng isang asno. Sila ang mga hindi nagwagi.

At sa kasalukuyang panahon na ating namamasid sa kapaligiran ay naglipana ang pagsasagawa nang pagsamba sa mga nilikha ng Diyos, laganap ang idoletriya na hindi masupil magpahanggang sa ngayon, sapagkat ang mga Muslim na dapat sana ay magpakita at magbigay ng mabuting halimbawa at maging huwaran ang siyang sumisira sa magandang imahe na dapat iparating sa lipunang kanyang kinabibilangan, subalit nahalinhan ito ng mga pag-aalinlangan. Tayo ang talunan, kailan natin pagwawagihin ang relihiyon ni Allah (SWT) laban sa mga walang pananampalataya? Supilin ang kamang-mangan, ibagsak ang mga walang pananampalataya, putulin natin ang sungay ni Shaytan na salot sa pananampalatayang Islam.

Sa kabilang dako, tunguhin natin ang mga taong nagwagi sa landas ni Allah (SWT) na nag-alay ng matinding pakikibaka upang makamtan nila ang tagumpay. Sila ay marapat na sabihan ng "Ang Nagwawagi ay hindi Umaayaw"

Maraming hadith ang tumatalakay sa kalagayan ng dalawang tao na nagmamahalan sa isa’t-isa alang-alang kay Allah (SWT) Dito inilalarawan ang kalagayan ng mga ito sa Paraiso na Kanyang ipinangako sa kanila, ang malaking pagpaparangal ni Allah (SWT) na igagawad sa kanila sa araw ng paghuhukom na kung saan, lahat tayo ay bubuhayin Niyang muli upang makita natin – Siya, ang Diyos ng Buong Sansinukob. Ang hadith  na tumatalakay sa pitong katangian ng tao na kung saan ay gagawaran ni Allah (SWT) ng Kanyang lilim at sa araw na iyon ay walang lilim maliban sa Kanya ay;
1.     ang makatarungang pinuno
2.     ang batang lumaki na si Allah (SWT) ang sinasamba
3.     ang tao na palagiang nasa loob ng Masjid
4.     dalawang tao ang nagkikita at nagmamahalan ng dahil kay Allah (SWT) at naghihiwalay ng dahil din sa Kanya
5.     ang lalaki na may takot kay Allah (SWT) sa oras na siya ay tinukso ng babae, at sasabihin niyang natatakot ako kay Allah!
6.     ang taong nagbibigay ng tulong na hindi ito ibinubunyag kahit kanino
7.     ang taong tumutulo ang luha sa tuwing maaalala o maririnig ang pangalan ni Allah (SWT). (Bukhari at Muslim)

          Ang dalawang tao na nagmamahalan alang-alang kay Allah (SWT) ay malinaw na nabangit na isa sa mga bibiyayaan ni Allah (SWT) ng lilim at igagawad ang Kanyang awa, habag at kabutihan. Ito ay isang malaking karangalan sa dalawang taong nagmamahalan sa isa't-isa ng dahil kay Allah (SWT) at ang makapangyarihang Rabb ay babatiin sila sa araw ng paghuhukom at Kanyang sasabihin:

“Nasaan ang mga ito na nagmahalan para sa Aking kaluwalhatian? Ngayon, nais kung ibigay sa  kanila ang aking lilim na kung saan walang ibang lilim maliban ang sa Akin.” (Muslim)

Ang lahat ng bagay dito sa mundo ay pawang walang kabuluhan kundi lamang walang patungkol sa Nag-iisang Tagapaglikha - Si Allah (SWT). Alam natin na maraming uri ng pagsamba at ang isa dito ay inutos niya at ng Kanyang sugo, ang mag mahalan sa isa’t-isa.

Mga kapatid, ang pag-ibig ay parating bukambibig ng lahat ng tao dito sa mundo, maraming klase ng pag-ibig: may pag-ibig sa bayan, sa asawa, sa magulang, sa kapatid, sa anak, subalit kailan ka nag-ukol ng isang pag-ibig na walang kapalit? Yung tinatawag sa wikang Ingles na;

“UNCONDITIONAL LOVE!”
Ang pagmamahal na walang kapalit
Ikaw ba ay nag-ukol na nang pagmamahal ng dahil kay Allah lamang?

Kailan mo pinag-ukulan ng pansin ang isang tao na sa palagay at pakiramdam mo ay hindi kailan man PINAG-UKULAN NG PANSIN o minahal mo kahit minsan man lang? Huwag kang umayaw sa isang pagmamahal na magbibigay sa iyo ng sarap at tagumpay sa buhay o iyong tinatawag na - GLORIA.

Sapagkat kapag ikaw ay umayaw…hindi ka magwawagi at kapag ikaw ay nagwagi hawakan mo ng mahigpit at 'wag itong pakawalan at ayawan, ipanatili ito hanggang bawian ka ng buhay.

Subalit kadalasan, may mga taong madaling manghinawa…kapag nakita niya ang isang Muslim na kapatid na may pangit o kapintasang pag-uugali…babatikusin niya ito… ilalaglag….feeling niya siya ang bida…sabagay may kasabihan kung nasaan ang bida laging kabuntot ang kontrabida.

Siya na hindi kayang umayon sa lahat ng iyong kagustuhan.  Kasi nga… kaya di ka umaayon dahil sa paniniwala mo na ito ay mali, pero ipinaggigiitan mo parin ang sarili mong kagustuhan….ayaw mo siyang pakinggan dahil nga…mas mataas ang pinag-aralan mo kaysa sa kanya. Aba! Mali kapatid…hindi lahat ng bagay ay iyong alam. May mga taong nakapagbasa lang ng aklat at natapos ng basic level 1, 2, 3 sa Islam, hindi na niya pakikinggan ang taong nagpapaliwanag sa kanya, imbiyerna siya sa mga sinasabi ni fulan kahit alam niya na tama si fulan ipagpipilitan niya ang gusto niyang mangyari.

Siya na laging sumasalungat sa iyong paniniwala. Sumasalungat, kasi - alam niya na mali ang sinasabi mo, kaya galit ka sa kapatid mo at hindi mo siya pinapansin, nagmamalaki ka hindi mo kayang ibaba ang KIBIR sa sarili mo – ano ang KIBIR – pagmamalaki na si Shaytan ang pinakamalaking nagtataglay nito.

Siya na kapos ang kaalaman upang ikaw ay kanyang abutin sa abot ng kanyang makakaya. Kapos siya sa kaalaman...alam mo na kapos siya…ayaw mo siyang turuan ng tama, ano ang ginagawa mo…panay ang porma natin, pangitingiti at pa-porma-porma.  He is a good pretender na marami siyang alam o mas nakahihigit ang kanyang kaalaman sa kanyang kapatid. Nanunubok kung hanggang saan ang kaalaman ng kanyang kapatid. Marami niyan sa Umma ng Propeta Muhammad (SAS).

Siya na iginugol ang bawat oras upang pakinggan ang iyong karaingan. Lagi siya sa tabi mo kapag may problema ka pero kapag naman siya ang nagka-problema tinatakbuhan mo siya…tinataguan, pag-tumawag siya ayaw mong pindutin ang jawal mo…kapag nagkita kayo sasabihin mo; ‘Bro. pasensiya na di ko na sagot ang tawag mo kasi nalimutan ko ang cellphone ko sa bahay nasa labas ako’, marami sa ating ganyan…magtetex siya sa iyo…di mo siya sasagutin…deadma ka lang.

Siya na dumadamay sa iyo sa oras ng kagipitan at kapighatian at ang higit sa lahat siya na - Nagpakumbaba! Subalit hindi mo binigyang halaga na siya ay kagaya mo rin na isang alipin ni Allah (SWT) na ang lahat dito sa mundo na dapat ay pantay-pantay. Dapat mong tandaan, iisa lang ang ating pinagmulan, iisa lang ang sa atin ay lumalang, walang iba kundi si Allah (ta’alla)

Ayon sa salaysay ni Tirmidhi ang Propeta ni Allah ay nagsabi ng ganito; “Ang magmahalan alang-alang kay Allah, (SWT) at hindi sa ano pa mang bagay dito sa mundo na punong-puno ng ganid, pagnanasa, interes, ay napakahirap at walang isa man ang makagagawa nito maliban sa may mabuting kalooban at busilak na puso, at sa Kanya (Allah) (SWT) ang pagkakalikha sa mundong ito ay hindi kayang tumbasan para sa Kanyang ikalulugod. Hindi nakapagtataka na si Allah (SWT) ay nagbigay sa kanila ng estado sa buhay at gantimpala na naaayon sa kanilang posisyon sa mundong ito, Para sa Kanya ikasisiya tayo ay Kanyang nilalang…”

Si Allah (SWT) ay nagwika; “Sa mga nagmamahalan sa isa’t-isa para sa Aking kaluwalhatian, ay magkakaroon ng tagus-tagusang liwanag at ang mga Propeta ay magnanais nawa’y makamtan din nila ang mga yon.”

Mga kapatid, kailan mo inunawa ang kahinaan at pagkukulang ng iyong kapatid, ng iyong kaibigan, ng iyong asawa, anak, kapitbahay at higit sa lahat ang pagkukulang ng iyong magulang, lalo’t higit sa lahat ang iyong ina. Si Allah ay nagbibigay sa taong nagmamahalan sa isa’t-isa alang-alang sa Kanya (Allah) ng gantimpalang mas higit sa biyayang tinatamasa niya sa kasalukuyan na ang pinakamahalaga at pinakatatanging pag-ibig ni Allah ang pinakamahirap makamit ninuman.

Mula sa Hadith ni Abu Hurayrah (RA), ang Propeta ay nagsabi: May isang lalaki na pumunta upang bisitahin ang kapatid sa kabilang nayon. Si Allah ay nagsugo ng isang Anghel upang hintayin ito sa daan. At ng ito ay paparating na, ang Anghel ay nagtanong; "Saan mo balak pumunta'?  At ang sabi ng lalaki: 'Dadalawin ko ang aking kapatid na nakatira sa karatig nayon'. At ang tanong muli ng Anghel: 'Ikaw ba ay may hininging kapalit sa pagpunta mo sa Kanya'?  At tinugon ito ng lalaki: 'Wala, Minahal ko kasi siya ng dahil kay Allah'. At tumugon ang Anghel sa kanya: 'Ako ay isinugo ni Allah at nais Niyang iparating ang pag-ibig Niya sa iyo dahil minahal mo ang iyong kapatid ng dahil sa Kanya' ".

Sino sa atin ang may ganitong uri ng pagmamahal na hindi kailan man naghahangad ng kahit na anong kapalit, bagay man, o suklian ang ibinibigay na pagmamahal?

Insha'allah sa mga taong napatunayan nila ang pagmamahal nila sa akin na walang hinihiling na kapalit ay bigyan nawa sila ng maraming biyaya ni Allah.

Marami sa atin na ang ipinakikitang pagmamahal ay paimbabaw, o puro pagkukunwari. Alalahanin ninyo, hindi man ito nararamdaman ng taong inyong pinatutungkulan ay mas higit na si Allah ang nakakaalam.

Sino sa atin na ang ginagawang pagdamay sa kanyang kapatid ay walang hininging kapalit?

Marami sa atin, konting hingi, may kapalit, mas nasisiyahan siya kung mayroon itong katumbas na bagay o serbisyo, kapalit ng ginawang pagtulong niya.

Nasaan ang pagmamahal na hinihingi ni Allah (SWT) para sa atin?

Malayo na ang narating ng Islam sa pagpapalaganap ng pag-iibigan sa mga kumunidad na ginabayan ni Allah (SWT) sa pamamagitan ng mga Muslim, kung mahal mo ang iyong kapatid ito ay dapat mong sabihin ng bukal sa iyong puso ng walang halong pagkukunwari, sapagka't ang Propeta ay nagwika:

 “Kung ang isang tao ay mahal niya ang Kanyang kapatid, hayaan mong sabihin sa Kanya na mahal mo siya at walang dalawang tao ang nagmahalan sa isa’t-isa, subali't kung sinuman sa kanilang dalawa ang mas nagmamahal ay siyang pinakamabuti.” (Ayon sa salaysay ni Bukhari)

Batid ng Propeta  ang tindi, lakas at ang dalisay na pag-ibig ay makakabuo ng isang pamayanan at nasyon, kung kaya't walang pagkakataon na kanyang pinalalampas upang ipalaganap ang pagmamahalan at ini-utos niya sa mga Muslim, ang pag-iibigan  sa isa’t-isa, upang ng sa ganoon ay mabuksan ang kanilang mga puso at lumaganap ang pagmamahalan na dalisay sa kanyang Umma.

Nasaan na ang mga pinangaral sa atin ng mga nauna sa atin, ang magmahal ng walang kapalit?

Kung sinuman ang may hinanakit sa kanyang kapatid at galit, dapat mo itong bigyang pansin, ang mga ito ay tanda lamang na ang iyong pananampalataya ay inumpisahan nang gupuin ni Iblis (Shaytan) upang ang iyong puso ay saklutin ng galit, inggit at selos, dahilan upang masira ang minimithing pagkaka-isa at pag-iibigan ng Propeta.

Hinusgahan ang pagkakamali na dapat sana ay iyong itinama upang may pagpapalang matatangap buhat sa Kanya (Allah – ta’alla), subali't siya na iyong kapatid ay iyong tinalikuran – ang iyong kapatid sa pananampalatayang Islam ay naghihintay ng iyong pagdamay, pang-unawa at higit sa lahat, ang siya ay mahalin.  Huwag mo siyang ayawan sapagkat hindi ka magwawagi.

Dapat mong isipin na sa mga oras na ito si Allah (ta’ala) ay malugod tayong pinagmamasdan at batid Niya ang laman ng ating puso kung kaya’t wala tayong kayang itago sa Kanya sapagka't Siya ang nakakakita ng lahat.

Nagwika si Allah (SWT): “Alalahanin na ang kasalukuyang buhay dito sa mundo ay kagaya ng laro at pampalipas oras lamang; panahon ng walang kabuluhang laro, pagpapaligsahan na magkaroon ng matiwasay na buhay at maging isang malaking pamilya. Ang kasalukuyang buhay ay kawangis ng isang halaman na naging sariwa matapos madiligan ng ulan: ang nagtanim ay kinalulugdan itong masdan sa kanyang pagyabong; subalit sa lalong madaling panahon ito ay malalanta; magiging kulay dilaw, at magiging parang tuyong dayami na wala ng saysay. Ang tagumpay dito sa mundo ay walang halaga." (Al-Hadid, 57:20)
         
Nais ipabatid sa atin ni Allah (SWT) na ang buhay sa mundo ay panandalian lamang kaya, dapat na tayo ay huwag bumitiw, huwag umayaw sa pagmamahal na dapat nating ibigay sa ating mga kapatid sa Islam…at kapag inayawan mo ito ang pagwawagi ay hindi mapapasaiyo.

Kailan natin sasabihin na mahal mo ang iyong kapatid, kailan mo uunawain na siya ay tao lamang na nagkakamali?

Kapag huli na ang lahat at dumating ang puntong siya ay nagbalik na sa kanyang pinagmulan?

Walang nakakabatid sa huling araw ng isang tao dito sa mundo, tanging Siya lamang ang lumikha sa atin. Kaya mga kapatid, ipadama natin ang pag-ibig sa mga taong pinag-kaitan natin ng pang-unawa, hinusgahan at higit sa lahat kinainggitan.

Sabihin natin sa kanya na minahal mo siya ng dahil kay Allah (SWT), huwag mo itong ikahiya sapagka't ang pangako Niya kailan man ay hindi magmamaliw, ang lahat ng ito ay iyong makakamtan doon sa araw na ikaw ay haharap sa Kanya at ipapataw sa iyo ang Kanyang paghuhusga.

Kapatid, Nais mo ba na makamit ang lilim ni Allah (SWT) sa oras na iyon?

Matuto tayong magpatawad at matutong magmahal sa ating sarili at sa ating kapwa. Sapagkat kapag tayo ay umayaw sa pagpapatawad ay titigas ang ating puso. At sino sa atin ang palagiang ginagamit ang kasabihang "ang umaayaw ay hindi nagwawagi at ang nagwawagi ay hindi umaayaw".

Kapag inayawan mo ang iyong kapatid ito ay isang pagtalikod at ang pagtalikod ay isang kasalanan at kailan man ay hindi ka magwawagi sa mata ni Allah (SWT). Siya ang maggagawad sa iyo ng kaparusahan na nararapat sa mga taong umaayaw sa kanyang mga ipinag-uutos.

Ang Mahabba ay isa sa kondisyon ng  La Illaha illa lla na hindi mo mararating ang paraiso kung hindi mo masusumpungan ang pagmamahal na dapat ay iyong ibigay sa lahat ng nilikha ni Allah (SWT).

Ayawan mo…takasan mo ang iyong tungkulin bilang isang kapatid na Muslim, ikaw kaya ay magwagi na makamtan ang katiwasayan ng iyong puso at isipan? HINDI – bagabag ang ibibigay nito sa iyo… uusigin ka ng konsensiya mo…kadalasan ang iba ay humahantong na talikuran ang kanilang Eeman sa Islam at humahantong sa pagpapakamatay dahil di na niya kaya ang dala-dalang konsensiya. Talo ka…hindi ka nagwagi…lugi ka sapagkat ang taong nagpatiwakal kahit pa siya ay Muslim ay sa Impiyerno ang kaniyang hantungan.

Ayon sa hadith ng Propeta: "Ang sinumang tao na kinitil ang kanyang sarili sa pamamagitan nang pagtusok ng kapirasong bakal sa kanyang sarili ay gagawin niya ito ng paulit-ulit doon sa kabilang buhay, ang uminon ng lason ay gagawin niya ito ng paulit-ulit doon sa kabilang buhay at ang sinumang kinitil ang kanyang buhay sa pagtalon sa mataas na lugar ay gagawin niya ito doon sa kabilang buhay at sa impiyerno sila mananahan. (Sahih Muslim 158)  Ito ay isang paalala mga kapatid.

Tanong ko sa inyong sarili… hindi ba kapag inayawan mo ang isang bagay at sa bandang huli na nakita mo na naging maganda ang resulta nito ay may panghihinayang ka sa iyong sarili…. Sasabihin mo SAYANG ako sana ang naandoon, ako sana ang nakakuha nito, ako sana ang kasama niya, ako sana ang asawa niya at maraming ako sana…nakapanghihinayang hindi ba? Bakit? Kasi walang kasiyahan ang tao, hindi siya kontento kung ano ang meron siya at kung ano ang ibinigay sa kanya ni Allah (SWT).

Kasawian para sa mga kumakalaban sa relihiyong Islam, kasawian para sa mga nagtatambal at inayawan ang Pagka-Diyos ni Allah (SWT)

At sa mga kapatid kong Muslim na patuloy na nagkakamit ng gantimpalang pagwawagi ng buhay dito sa Mundo sila na mga nagwagi at hindi umaayaw, gawaran nawa ang bawat isa sa atin ng gantimpalang ninanais natin dito sa mundo at doon sa kabilang buhay.

Ashadu annla Illaha illa anta wa astagfiruka watu bula‘ik. Ahabbakufillah… (Minamahal ko kayo ng Dahil kay Allah [SWT]).  Assalam Alaykum wa Rahmatullahi wa Barakatu.(sumainyo nawa ang kapayapaan, Awa at biyaya ng Tagapaglikha)